Tagalog Bibles (BIBINT)
ƒ^ƒKƒƒOŒκV–ρΉ‘


Mga Taga-Galacia 6

Paggawa ng Mabuti sa Lahat ng Tao
    1Mga kapatid, kapag natagpuan ang isang tao sa pagsalangsang, kayong mga taong sumusunod sa Espiritu ang magpanumbalik sa kaniya sa espiritu ng kaamuan. Ngunit mag-ingat kayo sa inyong sarili na baka kayo naman ay matukso. 2Batahin ninyo ang pasanin ng bawat isaft isa. Sa ganitong paraan ay tinutupad ninyo ang kautusan ni Cristo. 3Ito ay sapagkat kapag iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga, na hindi naman siya mahalaga, dinadaya niya ang kaniyang sarili. 4Ngunit suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga gawa. Kung magkagayon, makakapagmapuri siya sa kaniyang sarili lamang at hindi sa iba. 5Ito ay sapagkat ang bawat isa ay dapat magbata ng bahagi na dapat niyang pasanin.
    6Ang mga tinuturuan sa salita ay dapat magbahagi ng mabubuting bagay sa mga nagtuturo.
    7Huwag ninyong hayaang kayo ay mailigaw. Hindi mo maaaring libakin ang Diyos sapagkat anuman ang inihasik ng isang tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8Ang naghahasik sa kaniyang laman ay mag-aani ng kabulukang mula sa laman. Ngunit ang naghahasik sa Espiritu ay mag-aani ng buhay ng walang hanggan. 9Ngunit kung tayo ay gumagawa ng mabuti, hindi tayo dapat na panghinaan ng loob. Ito ay sapagkat tayo ay aani kung hindi tayo manlulupaypay sa pagdating ng takdang panahon. 10Kaya nga, habang tayo ay may pagkakataon pa, gumawa tayo nang mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.

Hindi sa Pagtutuli Kundi ang Bagong Nilalang ng Diyos
    11Tingnan ninyo, kung gaano kalaki ang mga titik na isinulat ko sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
    12Ang mga pumipilit sa inyo na kayo ay maging nasa pagtutuli ay sila na ang ibig lamang ay maging maganda sa panlabas na anyo. Ipinipilit nila ito upang huwag silang usigin ng mga tao dahil sa krus ni Cristo. 13Ito ay sapagkat kahit na ang mga lalaking iyon ay nasa pagtutuli, sila ay hindi tumutupad sa kautusan. Subalit upang may maipagmapuri sila sa inyong katawan, ibig nila na kayo ay maging nasa pagtutuli. 14Sa ganang akin, huwag nawang mangyari na ako ay magmapuri maliban lamang patungkol sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya, ang sanlibutan ay napako sa krus sa akin at ako ay napako sa krus sa sanlibutan. 15Ito ay sapagkat walang halaga kay Cristo ang pagiging nasa pagtutuli at ang hindi pagiging nasa pagtutuli, kundi ng pagiging bagong nilalang lamang. 16Kapayapaan at kahabagan ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.
    17Mula ngayon ay huwag na akong bagabagin ng sinuman, sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga marka ng Panginoong Jesus.
    18Mga kapatid ko, ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong espiritu. Siya nawa!


Tagalog Bible Menu